12.7.2008
Naiinis na ako sa mga nangyayari sa paligid ko ngayon. Hindi ko alam kung dapat ko bang sisihin ang sarili ko o ang mga tao sa iniisip ko sa mga sandaling ito.
Unang-una riyan ang hindi pa mabayarang matrikula ko. Hindi ko alam kung bakit hanggang sa huling pagkakataong ito ay mayroon pa rin ganitong suliranin. Kung iniisip ko, matagal ko nang hiningi iyon. Kung tutuusin nga, bago pa pumasok ang terminong ito o bago pa natapos ang nakalipas na termino ko sinabi ang ukol dito. Hindi ako masyadong nag-alala nang nakaraang Setyembre at Oktubre sapagkat alam kong wala ring kahahantungan ang pangungulit at saka tutal sa tingin ko ay nabanggit ko na rin naman iyon nang matagal na buwan na. Nagulat na lang ako nang huling linggo ng Nobyembre nang sobra na akong nangungulit na hindi alam ng magulang ko na may dapat pa pala bayaran. Hindi ko alam kung ano ang magiging tugon ko sapagkat doon na nga lang nila ako sinusuportahan at hindi pa nila alam. Wala nga sila alam sa mga nangyayari sa buhay ko bukod sa nag-aaral ako. Pinagsasabihan pa akong buti raw ako ay nag-aaral lang at walang iniisip. Anong walang iniisip?! Hindi lang ako umiimik sapagkat wala rin ako tiwalang maglahad ng aking iniisip sa bahay o maging sa paaralan. Wala ako makitaan ng taong nagkakainteres sa mga sinasabi ko. Ewan ko ba kung bakit parang hindi isinasaalang-alang ang mga sinasabi ko. Huling hirit na nga ito. Hindi pa sinasagot ang mga pinapadala kong mensahe kung kaya naiinis ako kung bakit nagkakaganoon.
Bukod pa riyan, nakakalungkot ding isiping ang itinuturing mong kaibigan sa paaralan ay dapat pang pagkatiwalaan. Oo nga naman, hindi naman nila hiniling na pagkatiwalaan ko sila. Ano ba naman ako sa kanila para maghimutok. Ang nakakalungkot lang kasi ay may mababalitaan na lang ako na hindi na pala ako kasama sa isang bagay na inaasahan kong makakasama ako. Ano ba naman kasi ang pagsasamahan kung hindi naman naging opisyal ang napag-uusapan. Ayoko man manumbat pero nakakalungkot talagang isipin na sala sa init at sala sa lamig parang palabas sa telebisyon. Kung sabagay, mabuti na rin iyon para matuto ako tumayo sa aking mga paa. Baka minsan isang araw, magulat na lang akong maririnig ko na nanggagamit lang ako o bumilog pa ulo ng ibang tao dahil sa umaasa masyado sa kanya. Kung sabagay, posible ring isipin iyon sapagkat wala naman ibang naririnig kung hindi ang papuri. Hinihiwagaan lang ang sarili sa pamamagitan ng pagtulak ng sarili pababa kahit mayroon naman talagang dapat ipamalas.
Naghahanap pa naman ako ng makakausap ngayon dahil nalulungkot ako lalo kapag walang ibang iniisip ang utak ko kung hindi ang paghihimutok o panghihinayang o pagdududa. Kung may kakausapin ako, mukhang nakikipag-usap lang at halatang napipilitan lang sa mga pinagsasabi ko. Nawawalan tuloy ako ng gana ituloy ang mga sinasabi ko. Pakiramdam ko kasi pawang pakikisama lang ang pinaiiral nila. Ang ilan sa mga tinuturing ko na makakaintindi sa akin, sa simula lang nagpapahiwatig ng pagdamay. Pagdating sa huli, wala na. Kaya minsan, ayoko na ring lumapit kung sa tingin ko ay wala akong mapapala o hindi ako kayang intindihin. Minsan naman kapag parang nangangamusta lang, hindi magkakainteres makipag-usap. Ano ka? Busy at importanteng tao? Yung iba talaga, hindi nakikipag-usap marahil dahil may ginagawa o "may ginagawa". Nakakawalang gana ang mga tao sa paligid ko. Basta sa ngayon, gusto ko ng taong makakausap ko dahil may interes makinig sa mga sinasambit ko at hindi dahil pinakikisamahan ako. Sana makatagpo ako ng ganoon ngayon.
Sa ngayon, isa lang kausap ko sa 61 na online sa YM ko. Tungkol pa sa project bullshit.
Naipaskil ko nang 22:22.
10.24.2008
Ang tanghali ay napakaalinsangan at kayhirap pakisamahan. Walang ibang magiging kasagutan kung hindi ang napakalamig na hangin na siyang dadampi sa balat at magpapahinay sa init na nararamdaman ng katawan.
Dali-dali akong tumungo sa sasakyang aakay sa akin upang ako'y dalhin sa aking paroroonan. Pilit akong naghanap ng lugar upang mas mapabuti ang aking paglalakbay. Sa pinakalikod na upuan ang aking naibigan sapagkat ito lamang ang natitirang lugar na nakukutuban kong may angkop na lamig na aking kakailanganin.
Patuloy na pumatak ang oras upang magbigay daan sa mga taong nais maghangad ng parehong serbisyong aking tinatamasa. Ilang saglit pa'y isang tao ang tumambad at tumabi sa akin. Isa siyang taong selpon ang hawak magdamag at may suot na sumbrero. Isa rin siyang taong mahilig pumindot ng ilong kung kaya hindi ko naibigan tignan kung sino siya.
Lumapit na ang konduktor upang magbigay ng bilyete sa mga pasahero. Nauna niyang binigyan ang aking katabing lalaking naghahangad ng kalahating katumbas ng ordinaryong pasahe. Tumango lng ang konduktor at nangakong bibigyan ng diskwento ang lalaki.
Oras na upang bayaran ang pasahe. Dali-daling naningil ang konduktor sa bawat pasahero. Ako ang huling pasaherong masisingil at labis na naiinip. Bago humantong sa akin, ang aking katabi ang mauunang makakapagbayad.
Nagtanong ang aking katabi hinggil sa normal na pasahe patungo sa ganitong ruta. Binigyan siya kaagad ng sagot ng konduktor. Hindi nag-atubiling umangal ang aking katabi sapagkat ayon sa kanya, pinangakuan siya ng konduktor na kalahati lang ang isisingil sa kanya. Pinaratangan nitong manloloko ito sa ganitong pakikitungo sa kanya.
Sa ganoong usapan ay walang kinahantungan. Labis na hindi matanggap ng lalaking hindi naaayon sa kanya ang ginawang paniningil. Hinugot niya ang kanyang bag at may kinuha. Nagulantang ako sa aking nakita. Hindi ako makaimik. Nang inabot sa akin ng konduktor ang sukli, hindi ko namalayang kulang pala iyon ng anim na piso. Ni hindi ko nagawang ilagay sa aking bulsa ang sukli dahil sa pagkabahala.
Sa panahong iyon, wala akong ibang ginawa kung hindi ang lumingon palayo sa aking katabi. Ni isang kusing ay hindi ko siya sinulyapan at ang kanyang kargada. Ang tanging inisip ko lang ay dapat makababa na ako sa Buendia sa lalong madaling panahon kahit sa Vito Cruz ang aking patutunguhan. Hindi ko inasam na tipirin ang sarili ko kung buhay na ang kapalit dahil may katabi akong nais magpaputok ng baril dahil hindi niya matanggap na hindi kalahati ang babayaran niyang pasahe.
Naipaskil ko nang 22:07.
10.22.2008
nakikita ba ang dapat makita.
Mahirap isiping sa buhay ng tao ay may mga bagay na hindi lubusang nalilinawan sa mga nagmamasid. May pagbabatikos at paghuhusgang hindi nararapat kahantungan. Hindi man lubos maliwanagan, nariyan ang mga katagang dumudungis sa samahan tulad ng pagmamalaki o pagsasawalang kibo upang matakluban ang tunay na kinalalagyan. Kahit ituring na katotohanan, wala pa ring bagay ang magpapabago nito sapagkat ito ang siyang dapat mamayagpag at makakasanayan.
.Likas sa tao ang magbanggit ng mga katagang oo o hindi. Sa pamamaraang ito, madaling mahinuha ang nilalaman ng isipan. Pangkaraniwan din naman ang hindi marunong tumanggi sapagkat mahirap makasakit ng kapwa. Ngunit sa ibang nilalang, dapat lubos na maintindihang mas mahirap ang tumugon alinsunod sa gusto ng kapwa sapagkat may isipang bumabasa sa lalim ng mga salitang sinasambit. Hindi makatiyak kung angkop bang isambit ang katagang oo gayong walang katiyakan kung magiging posible ang bagay na maisagawa.
.Mabilis ding masambit na kapag ang mukha ay seryoso, walang kibo o hindi maipinta, naghihinakit ang damdamin nito. Hindi nararapat pag-isipan kaagad ng negatibo sapagkat may ilang bagay ang pumupukol sa isipan. Maaaring nais lamang magpahinga, mapag-isa at tumulala upang maliwanagan ang isipan at makapagpaginhawa at makapagpanatag ng kalooban. Angkop ding sabihing nais lamang nitong tumahimik ayon sa kinalalagyan ng damdamin o wala lang sa panahong makipagtalastasan.
.Makabubuti rin sa isang tao ang pakikipag-usap kahit ito ay mukhang naghihinakit. Sa pamamaraang ito, matutuklasan mong hindi pala ito nagagalit at nais lang tumahimik. Kapag sumambit ng kahit isang kataga, maging panatag ang kalooban sapagkat hindi ito nagkikimkim. Ngunit kung walang natamong pagsambit, alam na ang ibig sabihin. Maaaring makipagkulitan nang malihis ang kinikimkim nito sapagkat mas nagiging malalim ang sugat habang patuloy na sinusugatan. Kung nais alamin kung patuloy itong nagtatanim ng sama ng loob, tila hindi kaaya-aya ito sapagkat mas dumudumi ang sugat at patuloy na ikabibigat ng damdamin.
.Hindi lahat ng oras ang tao ay tahimik. Maaaring ang isipan ang pinakamaingay na tunog na pumapalibot sa paligid. Nakikiramdam ito at pilit bumabasa ng mga kilos at katagang binibigkis ng bibig. Sa pamamaraang ito, ayon sa kanyang namamasid, dumadaloy ang impormasyon sa utak at pilit na binibigyan ng kulay alinsunod sa dapat kaangkupan nito. Dito marahil pumapasok ang hindi pagtitiwala at pag-iisip ng kung anu-ano.
.Madalas pangunahan ang isang tao sa mga kilos na kanyang dapat isagawa. Dahilan ito upang mawalan ng gana at madungisan ang diskarte. Nariyan ang panunumbat ng sukli o pagsambit ng hindi naayon sa iniisip ng kapwa. Ilang bagay ang dapat na likas na dumarating at hindi nararapat udyukan. Nagiging insulto sa isang tao kung nahahanapan siya ng mali sapagkat hindi sumasang-ayon ito sa dapat kalagyan.
.Ang pagsukli ay isang isyu. May ilang nilalang na bukal sa kalooban ang magbigay nito mapamabuti man o hindi. Doon matutuklasang hindi sa kanya naaangkop ang tinatawag na sukli. Marahil naibigay na ito sa iba o hindi pa natataon ang pagbalik nito. Kadalasan, dahil napangungunahan sa ganitong aspeto, hindi naliliwanagan ang madla sa nais ihatid ng panunukli. Sa halip, nababahiran ito ng ibang kulay na nagpapapoot ng pakikitungo.
.Madalas mangulit ang tao upang mahikayat ito sa isang bagay. Doon marahil natitimbang ang pagsasamahan sapagkat pilit nitong sinusukat kung saan aabot ang paghahangad na maatim nang may karamay ang ganitong bagay. Nagiging basehan ito upang malamang nagpapahiwatig ng tunay na pag-aasam o pakikitungo lamang. Doon marahil din natutuklasan kung napahahalagahan ang isang tao.
.Hindi sapat na dahilang nagiging madumi ang pag-asal ng isang tao sa pamamaraan ng pangungulit nito. Hinahangad at sinasadya lang nito ang maging madungis upang mapatunayan sa sariling marunong itong lumaban at pilit na hindi maapektuhan sa iniisip nito.
.Kung lubusang nauunawaan ang pag-asal na hindi kaaya-aya, doon magbibigay daan sa ibang tao ang tulay ng pagsasamahang pinakahahangad. Doon mamumuo ang tiwala, tapat at malasakit. Hindi lang mabatid ang tunay na nararamdaman at nais iparamdam sapagkat may pagkakataong naaasiwa sa lagay nito. Nariyan ang ilang katagang tulad ng "pare" o "mahal" na nagmimistulang basehan ngunit hindi magawang gamitin sapagkat hindi ito napapaniwalaang pamamaraan. Mas hangad ang pagtanda sa mga napag-uusapan at mga napagdadaanan.
.Ang lihim madalas ay nagiging kapana-panabik kung ito ay naglalaman ng mga katotohanang magpapabago sa katauhan. Maaaring pakaiingatan ang lihim maliban lamang kung hindi direktang nahinuha ang balita sa tunay na ugat nito.
.Pinaniniwalaang ang katotohanan ay nakasasakit ngunit mas hinahangad ito upang mapagtibay ang pagkatao. Ito ang nagiging batayan upang masakluban ang mga haharapin pang pagsubok na pilit magpapatumba sa isang pagkatao.
Naipaskil ko nang 01:06.